
LEGAZPI CITY – Isang tao ang sumira sa isang 100-year old na imahen ni St. Gregory the Great, sa Albay Cathedral.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sinabi ng tagapag-alaga ng imahen na si Francis Borras, na ang lakas ng bato ay tumama sa imahen ang nakabasag sa mata nito na gawa sa salamin.
Aniya, halos mapaluha siya sa sitwasyon ng imahen at agad na nakipag-ugnayan sa mga awtoridad.
Batay sa testimonya ng saksi, ang salarin ng insidente ay wala sa tamang pag-iisip at nakilala na ngayon ng Legazpi City Police Station.
Ayon kay Borras, pinoproblema nila ngayon ang pagpapa-ayos ng imahen lalo na ang nasirang mata na hindi madaling palitan dahil isa ito sa mga bagay na magpapatunay ng pagiging antigo nito.
Makikipagtulungan din sila sa management ng Albay Cathedral sa pagsasa-ayos ng nilapastangang imahen ni St. Gregory the Great.
Layunin din nitong ibalik sa dating itsura ang imahen na halos naipasa na sa ilang henerasyon.
Nanawagan din si Borras sa lokal na pamahalaan at sa pamunuan ng Albay Cathedral na tiyakin ang seguridad ng mga imahen upang hindi na ito mabiktima ulit ng masasamang indibidwal.










