LEGAZPI CITY- Panibagong aksidente ang kinasangkutan ng PNR train sa lungsod ng Legazpi.

Ayon kay Police Executive Master Sergeant Carlos Paña, Chief Investigator ng Legazpi City Police Station sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na isang 21-anyos na lalaki ang naputulan ng isang paa matapos masagasaan ng tren sa Barangay Bitano kahapon.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na nakaupo ang biktima malapit sa riles ng mangyari ang insidente kahapon ng madaling araw.

Nabatid na gabi bago mangyari ang aksidente, nagkaroon ng inuman sa lugar kasama ang biktima kaya inaalam kung nasa ilalim ito ng impluwensya ng alak.

Pumailalim naman sa tren ang biktima bago tuluyang nagkuha ng mga kamag-anak.

Samantala, dahil naman sa magkakasunod na aksidente na kinasasangkutan ng mga tren ay plano ng mga kapulisan na makipag-ugnayan sa Philippine National Railway upang makapaglatag ng mga plano at maiwasan na masundan pa ang naturang insidente.