LEGAZPI CITY—Inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na lubhang mapanganib sa kung ano ang maaaring mangyari sa ibinabang mga pyroclastic density currents ng bulkang Mayon lalo na noong nakaraang Mayo 2.
Ayon kay Phivolcs Mayon Volcano Observatory Officer in Charge Doreen Abelinde, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang nasabing uson ay nagdeposito ng maraming volcanic materials sa paanaan ng Mi-isi gully kung saan umabot sa 5.4 kilometers mula sa bulkan ang inabot na distansya ng mga deposits.
Aniya dahil sa maraming deposits na natambak sa gully, ay pinangangambahan na maaari itong magdulot ng lahar sa iba pang mga barangay sa gully kung sakaling magkaroon ng katamtaman o malakas na pag-ulan.
Gayundin, dahil sa mga bagong malalaking deposito na ibinaba, ang tubig o lahar ay makakahanap ng bagong daanan dahil ang dating dinadaanan nito ay naharangan ng mga dating deposito.
Inirerekomenda ngayon ng ahensya ang pagsubaybay sa daloy ng uson upang matukoy kung saan posible pang dadaan ang mga tubig.
Samantala, sinabi rin ni Abelinde na may posibilidad na maulit ang lava-collapse-pyroclastic density currents dahil sa patuloy na aktibidad ng bulkang Mayon.
Patuloy din ang babala ng ahensya na iwasan ang pagpasok sa 6-km na permanent danger zone ng bulkan, gayundin na huwag pumunta sa deposito ng pyroclastic density currents dahil mapanganib ito, gayundin na maging alerto at makinig sa mga awtoridad.











