LEGAZPI CITY—Nagboto ng ‘yes’ o pabor si Albay 1st District Representative Cong. Krisel Lagman Luistro na ma-impeach si Vice President Sara Duterte sa botohan na ginanap sa Kamara de Representantes.
Matatandaan na 257 kongresista ang bumotong pabor, 25 ang hindi pabor, habang siyam na kongresista ang nag-abstain sa impeachment ng bise presidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sinabi ng kongresista na ‘overwhelming’ na may nakitang sapat na ebidensya upang maipagpatuloy ang paglilitis sa Senado bilang isang impeachment court.
Aniya ang mga ebidensya tungkol sa hindi maipaliwanag na kayamanan ng bise presidente ay hindi lamang mga pahayag mula sa mga testigo kundi pati na rin mula sa mga ahensya ng gobyerno tulad ng Commission on Audit, Anti-Money Laundering Council (AMLC) kung saan nabanggit na maraming pera ang dumadaan sa mga bank account nina Sara at Manases “Mans” Carpio, na hindi nakalagay umano sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng bise presidente.
Gayunpaman, mas pinahigpit pa aniya rito ang video na mismong ang bise presidente ang gumawa, na kung saan sinasabing may hina-hire nang assassin upang patayin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na aniya’y nagpapakita na hindi biro ang mga binitiwang pahayag ng bise.
Sinabi pa ni Lagman na ang kaniyang sinumpaan ay maglilingkod nang tapat at maayos, igagalang ang mga proseso ng batas, makikinig sa mga tao, at hindi hahayaang gamitin nang mali ang pondo ng mga mamamayan.
Binigyang-diin ng kongresista na mahalaga ang kanyang paninindigan kaya ang kanyang boto ay hindi lamang kanyang konsensya kundi ang sinumpaan niya sa taumbayan.











