LEGAZPI CITY- Isang hindi pa nakikilalang kasabi ng New People’s Army ang binawian ng buhay sa nangyaring engkwentro sa Barangay Biriran, Juban, Sorsogon kaninang madaling araw.

Ayon sa impormasyon na nakalap ng Bombo Radyo Legazpi mula sa 9th Infantry Division, Philippine Army sinabi nitong naka engkwentro ng tropa ng 22nd Infantry Battalion ang tatlong mga rebelde na nagkukubli sa lugar.

Nagkaroon ng nasa 30 minutong palitan ng putok ang magkabilang panig na nagresulta sa pagkamatay ng naturang indibidwal.

Samantala, nakumpiska naman ng mga otoridad ang M653 rifle, mga bala at iba pang personal na kagamitan sa pinangyarihan ng insidente.

Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa ang isinasagawang hot pursuit operation sa mga kalapit na barangay para sa pagkaka huli ng iba pang kasamahan nito.