
LEGAZPI CITY – Epektibo ngayong araw, Miyerkules, Abril 8, ang unang tranche ng 20 pesos wage increase para sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa buong rehiyon ng Bicol.
Ayon kay Department of Labor and Employment Bicol Regional Director Imelda Gatinao sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, susundan ito ng 25 pisong pagtaas na magiging epektibo rin sa Disyembre 1 ngayong taon.
Nilinaw din niya na bago ipatupad ang unang tranche ng wage hike, dumaan ito sa isang mahigpit na konsultasyon at proseso sa buong lalawigan ng rehiyon upang matiyak na maririnig ang mga pananaw ng lahat ng sektor, lalo na ang labor and management sector.
Ang pagtaas ng sahod ay batay din sa agwat sa pagitan ng minimum wage na 435 pisong at ng poverty threshold sa rehiyon na itinalaga sa 460 pisong halaga na nais nilang maisara upang matugunan ang kinakailangan ng Philippine Statistics Authority.
Sa kabilang banda, tiniyak din ng opisyal na isinaalang-alang din nila ang kakayahan ng mga establisyimento na magbayad ng minimum na sahod sa rehiyon lalo na’t 92.6% ng mga establisyimento ay itinuturing na nasa micro sector.
Kabilang din aniya sa pagsasaayos ng sahod ang mga kumikita ng higit sa minimum na sahod dahil dapat isaalang-alang ng kompanya o management na maaari rin silang maging mas mababa sa minimum kung hindi itataas ang kanilang suweldo.
Binigyang-diin din ni Gatinao na dapat na iba ang basic pay kumpara sa mga benepisyong ibinibigay ng kanilang kumpanya o pamunuan sa mga manggagawa dahil ang ang basic pay na hindi mas mababa sa minimum ay karapatan ng mga manggagawa habang ang mga benepisyo ay nasa desisyon na ng kumpanya o management.










