LEGAZPI CITY- Narekober na ng mga otoridad ang bangkay ng mangingisda na tatlong araw ng nawawala sa Barangay Bonga sa Sorsogon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Cdr. Brummel Magalong ng Coast Guard Sorsogon, nakita na lamang umano ng mga residente ang bangkay ng isang lalaki sa Padaraw beach kung kaya’t agad itong pinuntahan ng kanilang mga tauhan.

Dito na nakumpirma na ito na ang nawawalang mangingisda na si Rodel Espodillo na Pebrero 24 ng pumalaot mula sa kanilang lugar sa Barangay Bon-ot, Bacon.

Mismong mga kaanak ng mangingisda ang nakakilala sa bangkay ng biktima sa pamamagitan ng suot nitong damit.

Kaugnay nito, muli namang nagpaalala si Magalong sa mga mangingisda sa makinig na ipinapalabas na abiso ng mga otoridad at iwasan ng pumalaot tuwing may sama ng panahon upang maiwasan ang kaparehong mga insidente.