LEGAZPI CITY – Binawian ng buhay ang isang mangingisda matapos tamaan ng kidlat sa gitna ng karagatan sa San Andres, Catanduanes.

Ayon kay John Tolentino, Operations and Warning Chief ng San Andres Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, nakita ng kapwa nito mangingisda ang biktima na nakasabit pa sa bangka subalit nakalubog na sa tubig.

Naitakbo pa ng mga kinauukulan sa ospital ang biktima na nakilalang si Alex Regalado na residente ng Barangay Bon-ot subalit idineklara itong dead on arrival.

Paliwanag ni Tolentino na sinabi ng doktor na nakita sa katawan ng biktima ang mga paso na posibleng tinamaan ng kidlat saka nalunod.

Hindi naman ikinokunsidera na may nangyaring foul play sa pagkamatay ng biktima.

Samantala, nabatid na nagpaabot na ng tulong ang lokal na pamahalaan ng San Andres sa naulilang pamilya nito.