LEGAZPI CITY—Sugatan ang tatlong indibidwal matapos makabangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa nakaparadang backhoe sa Barangay Del Rosario, Pilar, Sorsogon.
Ayon kay Bureau of Fire Protection Pilar, Chief of the Public Information Service, Fire Officer 2 Aldrin Madrideo, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, pagdating sa pinangyarihan ay nakita nila ang dalawang indibidwal na may malay habang ang isa ay nanatiling wala umanong malay.
Agad nilang nirespondehan ang insidente at dinala ang mga biktima sa ospital para sa karagdagang tulong medikal.
Nagtamo ng deformity, sugat sa ulo at mga gasgas sa magkabilang kamay at tuhod ang walang malay na biktima.
Habang nagtamo rin ng mga sugat sa noo, ulo at kamay ang dalawang may malay na mga biktima.
Samantala, sinabi ni Madrideo na nakapagtala ang kanilang tanggapan ng 72 narespondehang aksidente sa unang semestre ng 2025 sa nasabing bayan.
Pinayuhan din ng opisyal ang publiko na dagdagan ang kanilang pagdoble-ingat lalo na sa pagmamaneho gayundin na tiyaking suriin ang kondisyon ng kanilang mga sasakyan at ang kanilang mga sarili upang maiwasan ang mga ganitong insidente.