LEGAZPI CITY- Nasawi ang isang ginang matapos itong malason sa kinain na butete o puffer fish sa Barangay Sicmil sa bayan ng Gigmoto, Catanduanes.
Ayon kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Bicol spokesperson Rowena Briones sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na maliban sa nasawing ginang ay nagpapagaling rin ngayon sa pagamutan ang walong iba pang miyembro ng kanilang pamilya matapos ring malason ng naturang isda.
Iginiit ng opisyal na matagal ng ipinagbabawal ang pagkain ng butete subalit hindi maiwasan na mayroon pa ring mga residente ang hindi sumusunod rito.
Kabilang sa mga nalason ng naturang isda ay ang asawa ng ginang, mga anak at apo nito.
Paliwanag ni Briones na walang gamot sa lason na taglay ng butete kaya mapanganib ito sa kalusugan.
Mahigpit rin na ipinagbabawal ang pagbebenta nito sa mga pamilihan subalit mayroon pa ring iilang residente na kinakain ang naturang isda dahil nakasanayan na ito.