LEGAZPI CITY – Welcome development para sa grupo ng mga guro ang posibilidad na ibalik ang old school calendar na mula Hunyo hanggang Marso.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Alliance of Concerned Teachers Chaiperson Vladimir Quetua, ang posibleng pagbabalik sa dating school calendar ay makakagaan sa epekto ng tag-init sa mga mag-aaral at mga guro.

Sinabi nito na kung matatandaan noong nakaraang mga taon ay maraming mga estudyante ang hindi kinaya ang tindi ng init ng panahon.

Pabor din sa naturang hakbang ang mga paaralan, guro, magulang at mga student leaders.

Subalit tanging ikinababahala lang ni Quetua na posibleng maapektuhan nito ang vacation leave at service credit ng mga guro.

Kaugnay nito, umaasa ang opisyal na hindi papabayaan at magawan ng paraan ng Department of Education kung sakali man na maapektuhan ang dapat na pahinga ng mga kaguruan.

Samantala, posibleng sa 2025-2026 pa masimula ang pagbabalik ng old school calendar subalit para sa susunod na Year 2024-2025 ay sa Hulyo na magbubukas ang pasukan.