LEGAZPI CITY- Siniguro ng Office of the Civil Defense (OCD) Bicol ang kahandaan ng tanggapan sa paghahatid ng suporta sa pamahalaang panlalawigan ng Albay kasunod ng nangyaring Mayon eruption.

Matatandaan na sa kasalukuyan an libo-libong mga residente ang inilikas mula sa ilang mga bayan sa lalawigan.

Ayon kay OCD Bicol Spokesperson Gremil Naz sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nag-iikot ang kanilang mga opisyal sa mga evacuation centers upang mabatid kung ano pa ang ibang pangangailangan ng mga internally displaced persons.

Aniya, bagamat hindi kasing lala ang moderate explosive eruption kahapon kumpara noong naitala sa buwan ng Mayo ay nananatili pa rin ang kahandaan ng mga lokal na pamahalaan katuwang ang iba pang ahensya.

Nabatid na nakapagpaabot na ng family food packs sa mga apektadong residente, lalo pa at hindi pa malaman sa ngayon kung ilang buwan na namang mananatili ang mga ito sa evacuation centers.