Mayon volcano short-lived lava fountaining

LEGAZPI CITY- Nakapagtala ng short-lived lava fountaining sa bulkang Mayon kasabay ng pagbuga ng nasa 1500 na taas ng ash plume.

Ayon kay Mayon Volcano Observatory Officer-in-Charge Doreen Abelinde sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nakatanggap rin sila ng ulat na narinig ng ilang mga residente mula sa bayan ng Sto. Domingo at Legazpi City ang tunog ng pagsabog.

Ipinaliwanag naman ng opisyal na ang ganitong mga aktibidad ng bulkan ay normal lamang dahil kasalukuyang nakataas pa rin ang alert level 3 status nito.

Ang pagkakaroon umano ng lava fountaining ay nangangahulugan na pressurized ang paglabas ng lava.

Matatandaan na nitong mga nakalipas na araw ay magkakasunod ang naitatalang minor strombolian activities sa bulkang Mayon na nangangahulugan umano na pressurized ang lava dahil sa kasalukuyan ay effusive ang eruption ng bulkan.

Ayon kay Abelinde na dahil hindi magkakapareho ang paglabas ng lava ay nagkakaroon ng ibang daanan na nilalabasan nito na rason ng pagkipot at nagkakaroon ng pressure na nagdudulot ng minor strombolian activities at lava fountaining.

Samantala, namo-monitor pa rin ang mataas na sulfur dioxide emission na nangangahulugan umano na nagpapatuloy ang recharge ng magma sa ilalim ng bulkang Mayon.