LEGAZPI CITY- Patuloy na pinaghahandaan ngayon ng pamahalaan ng Israel ang mga pagganti ng grupong Hamas, Iran at Yemen sa gitna ng patuloy na mga kaguluhan.

Ayon kay Bombo International New Correspondent Lou Marigondon na patuloy ang pagpapakawala ng Yemen ng mga rockets patungo sa Israel.

Hindi umano maaalis na nakakaramdam sila ng pagkabahala subalit nanindigan na maraming mga Pilipino ang wala pa ring planong umuwi sa Pilipinas.

Sa kasalukuyan aniya ay tila psychological torture ang ginagawa ng Iran dahil sa mga babala nito na patuloy na gaganti sa Israel.

Ayon pa kay Marigondon na bilang isang Overseas Filipino Worker ay sinisiguro nila na palaging nakahanda at bitbit ang kanilang mga dokumento para sa hindi inaasahang mga pangyayari.

Sa kasalukuyan kasi ay nakikitang tatagal pa umano ang kaguluhan dahil na rin sa pakikialam ng ilang mga grupo at bansa.

Samantala, umaasa umano sila na iisipin rin ng lahat ng panig ang kalagayan ng mga naiipit sa giyera, lalo na ang mga inosenteng sibilyan.