LEGAZPI CITY – Pormal nang nilagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng Naga at ng Commission on Elections (COMELEC) kaugnay ng nalalapit na plebisito para sa panukalang gawing Highly Urbanized City (HUC) ang Naga City.
Kabilang sa mga lumagda sa kasunduan sina Naga City Mayor Leni Robredo, COMELEC Chairman Hon. George Erwin M. Garcia, COMELEC Commissioner Hon. Aimee Ferolino, at Naga City Administrator Atty. Noreen Bernadette San Luis.
Sa pamamagitan ng MOA, pormal na pinagtibay ang koordinasyon at pagtutulungan ng pamahalaang lungsod at COMELEC para sa paghahanda at pagsasagawa ng plebisito.
Layunin nitong matiyak ang maayos na proseso ng pagboto at pagbibigay ng pagkakataon sa mga kwalipikadong botante na makilahok sa mahalagang usapin.
Sa kani-kanilang mensahe, binigyang-diin nina Mayor Robredo at COMELEC Chairman Garcia ang kahalagahan ng isang pamamahalang nakasentro sa kapakanan, pangangailangan, at kapakanan ng mamamayan.
Binigyang-halaga rin nila ang papel ng bawat mamamayan sa mga desisyong may direktang epekto sa kinabukasan ng kanilang lungsod.
Hinikayat din ng dalawang opisyal ang mga taga-Naga na gamitin ang kanilang karapatang bumoto at makibahagi sa pagpapasya sa pamamagitan ng plebisitong gaganapin sa Nobyembre 21.
Sa naturang araw, magkakaroon ng pagkakataon ang mga botante na magpahayag ng kanilang pasya hinggil sa panukalang pagiging Highly Urbanized City ng Naga City.











