Some youth and Sangguniang Kabataan officials in the town of Malilipot, Albay showed their concern by distributing free food to drivers affected by the oil crisis.

LEGAZPI CITY – Ipinakita ng ilang kabataan at mga Sangguniang Kabataan officials sa bayan ng Malilipot, Albay ang kanilang malasakit sa pamamagitan ng pamamahagi ng libreng pagkain sa mga drayber na naapektuhan ng krisis sa langis.

Ayon kay Francheska Kaye Volante, ang Community Outreach Organizer, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nagsimula ang inisyatibo sa isang simpleng pagkikita-kita upang magbonding ngunit napagpasyahan nilang ilaan ang pondo upang makatulong sa iba.

Inamin din niya na hindi sila makapagsasagawa ng mga outreach program araw-araw dahil karamihan sa kanila ay mga estudyante at nagtapos pa lamang sa pag-aaral habang mayroon ding mga mabubuting loob na nag-bibigay ng pera upang idagdag sa kanilang pondo.

Batay sa kanilang mga pagtatantya, nakapaghatid na sila ng pagkain at mga grocery sa 100 drayber sa ikalawang araw ng kanilang pagtulong.

Ipinahayag din ng kanilang grupo ang kanilang pasasalamat sa mga patuloy na nagdo-donate upang mas maraming driver pa ang kanilang matulungan lalo na ngayon na mataas ang presyo ng mga produktong petrolyo at mga bilihin.

Nanawagan din si Volante sa kanyang mga kapwa kabataan na magsagawa ng katulad na outreach program dahil kung nagawa nilang matulungan ang mga drayber, magagawa rin nila ito.