super El Niño

LEGAZPI CITY-Kinumpirma ng Albay Public Information Office (PIO), batay sa ulat ng Albay Provincial Agricultural Office, na umabot na sa P8 milyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura sa rehiyon dahil sa El Niño o matinding init ng panahon.

Ipinahayag ito sa isang pulong na isinagawa ng ahensya kasama ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa lalawigan upang talakayin at paghanadaan ang posibleng epekto ng El Niño sa Albay.

Ayon kay Albay Public Information Officer Cherry Dacoro, sa isang panayam ng Bombo Radyo Legazpi, batay sa paunang ulat, mayroon ng pinsalang naitala sa tatlong uri ng pananim.

Sa kasalukuyan, nasa 464 na magsasaka mula sa 51 barangay sa iba’t ibang lokal na pamahalaan (LGU) sa lalawigan ang apektado.

Sa sektor ng palay, may kabuuang lawak na 131.90 ektarya ang napinsala; sa mais naman ay nasa 42.40 ektarya; at sa mga *high-value crops ay nasa 6.48 ektarya.

Nagdulot ito ng kabuuang pinsala na nasa 180.78 ektarya ng lupang sakahan na katumbas ng P8 milyon, simula noong unang bahagi ng Setyembre ngayong taon.

Gayunpaman, nagsasagawa na ng paghahanda ang ibat-ibang pang ahensya ng gobyerno, kabilang ang mga sektor sa kalusugan at beternaryo.

Sa kasalukuyan, bumubuo na ng mga hakbang ang ibat-ibang ahensya sa lalawigan para sa paghahanda at pagpapagaan ng epekto nito sa mga mamamayan sa Albay.