LEGAZPI CITY – Nakatakdang magsagawa ng pagpupulong ang Camalig Local Government Unit at iba pang ahensya ng gobyerno hinggil sa paglikas ng kanilang mga residenteng naninirahan sa mga extended danger zone ng Bulkang Mayon.
Kasunod ito ng pagtala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng pinakamalayo at pinakamalaking Pyroclastic Density Current (PDC) o uson na umabot sa humigit-kumulang 4 km sa ibaba ng Mi-isi Gully at nagdulot ng ashfall sa ilang barangay ng nasabing bayan at Guinobatan.
Ayon kay Camalig local government unit Spokesperson Tim Florece sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang nasabing meeting ay tututok sa kung susundin ba nila ang protocol ng Phivolcs na ilikas ang mga nasa extended danger zone kapag itinaas ang bulkan sa alert level 4 o gagawa ng sarili nilang mga hakbang sa ganitong mga scenario.
Gayunpaman, isinasaalang-alang din nila ang pagtaas ng pangangailangan ng mga Internally Displaced Persons tulad ng tubig at pagkain kung sakaling ipatupad ang paglikas ng mga residente sa mga extended danger zone na may humigit-kumulang 10,000 indibidwal.
Nakatanggap na sila ng impormasyon na karamihan sa kanilang mga residente ay nananawagan ng paglikas at hindi na hinihintay na tumaas ang bulkan sa alert level 4 dahil sa mga health conditions na dulot ng ashfall.
Ipinahayag din ni Florece ang kanyang pasasalamat na suspendido ang mga klase sa bayan nang mangyari ang pinakamalaking amount ng ulan na nagdulot ng abo buhat nang magsimula ang pagsabog noong Enero 6.











