LEGAZPI CITY—Isa ang sugatan habang 20 iba pa ang nailigtas matapos masunog ang isang naka-ankorahe na barge sa SORCOM pier sa Barangay San Isidro, Sto. Domingo, Albay.


Ayon ki Brgy San Isidro, Sto. Domingo KapItan Danilo Ballester, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nagsimula umano ang apoy sa pagluluto kung saan naputol dito ang hose ng ginagamit na kalan.


Sinubukan umano itong apulahin gamit ang fire extinguisher ngunit dahil sa lakas ng apoy ay hindi na ito nakayanan pa.


Ayon pa sa opisyal, agad namang rumesponde ang Bureau of Fire and Protection at Emergency Response Team ngunit naging pahirapan umano ang pag-apula sa apoy dahil sa malakas na hanging habagat.


Kasalukuyang patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.