Posibleng mag-isyu ang International Criminal Court (ICC) ng mas marami pang arrest warrant laban sa co-perpetrator ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa mga pagpatay sa war on drugs ng kaniyang administrasyon.
Ayon sa abogado ng mga pamilya ng mga biktima ng drug war na si Atty. Joel Butuyan, may mga indikasyon na may iba pa maliban sa dating Pangulo ang posibleng isyuhan ng arrest warrant kung pagbabasehan ang isinilbing warrant kay Duterte mula sa International Criminal Court.
Kung saan, nakasaad sa warrant na indirect co-perpetrator si dating Pang. Duterte.
Sinabi din ng abogado, na kabilang din sa listahan ng ICC counsel, na maaaring isa si dating Philippine National Police (PNP) chief at kasalukuyang Senator Ronald Dela Rosa sa co-perpetrators na maaaring mahainan ng arrest warrant sa mga susunod na araw.
Samantala, inaasahan din na maraming mga Pilipino ang magtutungo sa ICC para tumestigo kaugnay sa kaso laban sa dating Pangulo.
Kung saan bubuuin aniya ang isang counsel para sa mga biktima para kumatawan sa mga pamilya ng mga napatay sa war on drugs.