
LEGAZPI CITY – Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa posibilidad ng pag-aalburuto sa bulkang Bulusan sa lalawigan ng Sorsogon.
Ayon kay Bulusan Observatory Resident Volcanologist April Dominguiano, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ito ay dahil sa pagtaas ng seismic activity na naitala sa nakalipas na 24 na oras.
Naitala rin nila ang pagtaas ng volcanic earthquakes ngunit itinuturing nila ang mga ito bilang weak volcano-tectonic earthquakes kung saan ang mga bato ay nabibitak sa layong 5 kilometro mula sa edipisyo ng bulkan.
Nanatili umano ang monitoring parameters sa background levels habang ang mga degassing activity ay mahina hanggang katamtaman.
Gayunpaman, ipinunto ng opisyal na ang mga phreatic eruption ng Bulusan ay kalimitang nangyayari kasunod ng mga sporadic swarm o pagdami ng volcanic earthquakes tulad ng mga pagsabog nito noong 2022 at 2025.
Ito na rin umano ang pangalawang swarm na naitala nila ngayong taon, na nagpapataas ng posibilidad na magkaroon ito ng steam-driven o phreatic eruption sa mga susunod na oras at araw.
Inirekomenda rin ni Dominguiano sa publiko na iwasan ang pagpasok sa 4-kilometer radius Permanent Danger Zone at paglapit sa mga vent sa south-southeastern slopes habang ipinahahanda sa mga lokal na pamahalaan ang kanilang mga response measures at emergency plans kung sakaling lumala ang sitwasyon at itaas ito sa Alert Level 1.










