LEGAZPI CITY- Nanindigan ang isang mambabatas na bagamat makakatulong sa mga consumers ang pagtatanggal ng system loss sa electric bill, ay hindi pa rin ito sapat.
Ayon kay ACT Teachers Partylist Representative Antonio Tinio sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na makakapagbawas ito sa pasanin ng mga mamamayan subalit hindi pa rin natutugunan ang pinaka dahilan kung bakit mataas ang singil sa kuryente sa bansa.
Inihayag ng mambabatas na ang Pilipinas ang ikalawa sa may pinakamataas na singil sa kuryente dahil sa privatization ng power sector.
Aniya, ang mga dating power plant na pag-aari ng pamahalaan ay ibinigay na sa mga pribadong sektor.
Ang naturang private sectors umano ay walang ibang ikinokunsidera kundi ang kanilang tubo.
Dahil dito, sinabi ni Tinio na dapat muling pag-aralan kung nagdulot ba ng kapakinabangan sa mga Pilipino ang energy privatization.
Sa halip na kumpetisyon sa private power generators ay sabwatan pa umano ang nagaganap para sa mas mataas na singil sa kuryente.











