LEGAZPI CITY – Nag-overheat na electric fan ang itinuturong dahilan sa nangyaring sunog sa isang gusali sa Barangay 3 Poblacion sa bayan ng Bacacay.

Ayon kay SFO3 Rene Rey Antiga ang Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection Bacacay, rumesponde ang kanilang mga tauhan sa report na may nasusunog na establishimento sa nasabing barangay.

Agad naman na nakapagresponde ang mga bumbero kung kaya hindi na kumalat pa ang apoy.

Sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, lumalabas na napabayaan ng caretaker na bukas ang ginamit nitong electric fan ng magbrownout.

Subalit ng bumalik na ang kuryente, hindi na ito napatay pa hanggang sa mag-overheat at magdulot ng sunog.

Wala naman na naiulat na nasaktan sa insidente at wala namang ibang gusali ang nadamay sa sunog.