Approximately 1,000 livestock have been brought by farmers to designated pooling sites throughout the province of Albay due to the ongoing activities of Mayon Volcano.

LEGAZPI CITY – Humigit-kumulang 1,000 alagang hayop ang dinala sa mga itinalagang pooling site sa buong lalawigan ng Albay dahil sa patuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon.

Ayon kay Albay Provincial Veterinarian Pancho Mella sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, 457 sa mga ito ay mga baka, 474 na kalabaw, 31 kambing at isang kabayo na pagmamay-ari ng 747 na magsasaka sa 9 na apektadong bayan.

Inaasahan din nila na madaragdagan ang datos lalo na mula sa Sto. Domingo at Tabaco City sa mga darating na linggo habang inililikas lamang nila ang mga hayop na nasa loob ng 6KM permanent danger zone.

Patuloy din silang nakikipag-ugnayan upang magbigay ng naaangkop na tulong sa mga may-ari at kanilang mga alagang hayop na naninirahan sa 7-8KM extended danger zones dahil sa epekto ng abo nitong mga nakaraang araw.

Umaasa rin ang opisyal na na-wash out ng mga nagdaang ulan ang mga abo na dumikit sa mga damo upang mapakinabangan ito ng mga magsasaka at mapakain ang kanilang mga alagang hayop.

Nakatakda rin silang magsagawa ng veterinary medical mission kapag natapos na ang pooling upang mabigyan ng mga bitamina at angkop na gamot ang mga apektadong hayop.

Nangangamba rin si Mella na maaaring matriple ang bilang ng mga hayop na dadalhin sa mga pooling site kung sakaling lumala ang sitwasyon ng bulkan at magsagawa ng mga paglikas sa mga extended danger zone.