LEGAZPI CITY – Problema ngayon ng ilang overseas Filipino workers sa Israel ang pagpapadala ng pera sa mga pamilyang nasa Pilipinas.

Ito ay kasunod pa rin ng nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Israel at Hamas.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Lou Marigondon sa Israel, hindi basta-basta makapagdala ng pera dahil walang transaksyon ang karamihan sa mga bangko maging ang mga automated teller machine (ATM) ay walang laman.

Malaki rin ang naging epekto ng kaguluhan dahil lumaki ang tapyas sa remittances kasabay ng pagtaas ng dolyar.

Maliban pa rito, problema rin ang pag-doble ng presyo ng mga bilihin.

Bunsod nito, nanawagan si Marigondon sa gobyerno ng Pilipinas na matulungan pansamantala ang pamilya ng mga apektadong overseas Filipino workers na umaasa lang sa kanilang mga padala.

Samantala, sa kabila ng tumitinding kaguluhan sa Israel ay walang plano si Marigondon na umuwi sa dahilang hindi alam kung papano magsisimula sa Pilipinas.