LEGAZPI CITY—Ipinahayag ng isang overseas Filipino worker mula Qatar na nasa stable na ang kanilang sitwasyon matapos ang pag-atake ng Iran sa base militar ng US sa naturang lugar.
Ayon kay Qatar Bombo International News Correspondent Queny Gajete, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na sa kabila ng stable na sitwasyon, kailangan pa rin nilang maging alerto sa lahat ng oras at ihanda ang kanilang mga pasaporte dahil sa mga posibleng mangyari sa nasabing bansa.
Wala aniyang nasugatan sa pag-atake dahil tiniyak din ng gobyerno ng Qatar ang kaligtasan ng mga mamamayan nito kaya walang dapat ikabahala ang mga mamamayan ng Pilipinas.
Dagdag pa ni Gajete, hindi apektado ang kanilang trabaho sa pag-atake ng mga nasabing bansa.
Nakahanda na rin aniya ang Embahada ng Pilipinas kung saan maaaring manatili ang mga OFW sakaling magkaroon ng panibagong tensyon.
Samantala, hinimok din ni Gajete ang mamamayanang Pilipino na ipagdasal ang kanilang sitwasyon at huwag mag-panic dahil nasa maayos na silang kalagatyan.