
LEGAZPI CITY – Ibinahagi ng Bicolano Overseas Filipino Worker (OFW) ang mga pangyayari nang salakayin ng Iran ang base militar ng US sa Qatar.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sinabi ni Bombo International News Correspondent in Qatar Dennis Mota na nag-mistulang na nagmistulang mga malalaking kwitis ang mga missile na nagbabanggan sa kalangitan.
Sa kagandahan umano ay na-intercept ng Qatar Armed Forces ang lahat ng missile na lumilipad sa kanilang airspace na maaaring makaapekto sa mga establisyimento at mamamayan sa nasabing bansa.
Ipinaliwanag niya na sobrang lapit nila sa lugar kung kaya’t ikinumpara niya ito sa isang video game ang buong pag-atake.
Kung siya umano ang tatanungin ay 100% niyang masasabi na hindi naging matagumpay ang pagganti ng Iran laban sa Estados Unidos.
Nagbabala rin ang Qatari government sa posibleng bagong wave ng missile attack habang mariing kinokondena ang pag-atake ng Iran.
Pinaalalahanan din ng Philippine Embassy sa Qatar ang publiko na maging mapagmatyag at subaybayan ang mga posibleng mangyari sa kanilang lugar.
Sa ngayon, hindi nababahala si Mota dahil ang Qatar ay binabantayan ng Qatari at US Armed Forces laban sa posibleng 2nd wave ng missile attack ng Iran.