LEGAZPI CITY-Nagbabala ang Albay Public Safety and Emergency Office (APSEMO) sa mga Albayanos na maging maingat sa mga kumakalat na maling impormasyon online tungkol sa patuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon.


Ayon kay APSEMO Chief Bobby Cristobal, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na ang mga maling impormasyon na ito tungkol sa Bulkang Mayon ay humahadlang sa kanilang paghahanada at nagdudulot rin ng alarma sa mga kababayan.


Dagdag pa ng opisyal na madalas na nakikita sa social media na nalalapit na ang eruptive stage ng Bulkan, ngunit binigyang linaw niya na simula enero ay nagkakaroon na ito ng eruption.


Aniya, kung ang tinutukoy ay major eruption, ay walang nakikita ang Phivolcs at ang kanilang opisina na i-angat sa Alert Level 4 ang status nito.


Paliwanag din niya na kung magkakaroon ng explosive eruption ay itataas na ito sa Alert Level 4.


Kung kaya, pinaalalahanan ng opisyal ang lahat na nagpo-post sa social media na dapat hindi ito nagdudulot ng anumang alarma o panic sa mga kababayan.


Sa ngayon nasa Alert Level 3 pa rin ang status ng Bulkang Mayon dahil hindi umano naabot ang lahat ng parameters nito upang itaas ang lebel.


Sinabi rin ni Cristobal na ayon sa pagtataya ng Phivolcs, mas mabuti na nakakasingaw ang crater ng Mayon kung saan nagbubuga ito ng sulfur dioxide emission at degassing ng magma dahil senyales umano ito na nakakahinga ang bulkan.


Ang mga pangyayaring ito, ay isang palatandaan na may posibilidad na lumalayo ang tsansa na magkaroon ng explosive eruption ang Bulkang Mayon.


Sa kabila nito, halos pitong buwan nang nananatili sa mga evacuation center ang mga apektadong residente, na patuloy na nahihirapan dahil hindi sila makauwi sa kani-kanilang tirahan.


Patuloy rin sa pagbabantay ang mga otoridad kasabay ng kanilang ahensya at pinapaalalahanan rin ang lahat na huwag pumasok sa 6km danger zone.