
LEGAZPI CITY-Pinuna ng isang abogadong Pilipino ang umano’y paggamit ni Sen. Robin Padilla sa nangyaring trahedya sa Lungsod ng Tacloban at binigyang diin na hindi dapat gamitin ito para sa isang politikal na naratibo o agenda sa politika.
Ayon kay Public Interest Lawyer na si Atty. Race Del Rosario, sa isang panayam sa Bombo Radyo Legazpi, sinabi niyang walang mali sa batas tungkol sa criminal liability ngunit kung mapagpasyahan na amyendahan ang pagbabago nito sa komite, dapat itong ibase sa ebidensya at hindi puro emosyon kagaya ng sinabi ni Senador Robin Padilla.
Dagdag niya na kung may kakulangan sa nasabing batas, posible itong palitan sa pamamagitan ng mga implementasyon.
Gayunpaman, sinabi niya na sa ilalim ng batas, walang mali dito dahil ito ay pinag-aralan at noon pa man ay tinalakay na ng mga eksperto.
Punto pa niya na kung ibabase sa pamantayan ng mundo, ang 15-taong-gulang na menor de edad na suspek ay maaaring may pananagutang kriminal.










