LEGAZPI CITY- Malaking tulong para sa isang Bicolano Engineer ang nadiskubre nitong pamamaraan ng paggamit ng used cooking oil bilang additive sa diesel, lalo na sa panahon ng krisis sa langis.
Ayon kay Engineer Ed Brisenio na tubong Baao, Camarines Sur sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na taong 2019 pa siya gumagamit ng used cooking oil subalit mas dumami ang naging interesado ngayon na sumirit ang presyo ng langis.
Kwento nito na nagsimula ang kaniyang pananaliksik ng madiskubre na ang unang gumawa ng diesel engine ay gumamit ng peanut oil kaya napukaw ang kaniyang interes at nagsagawa ng pag-aaral.
Aniya, matapos makulekta ang gamit na mantika ay isasalin ang mga ito sa malinis na lalagyan at itatabi sa loob ng isa hanggang dalawang linggo upang humiwalay ang solid resedues.
Dito na kinukuha ang mantika at inihahalo sa diesel.
Nabatid na sa dalawang litro ng diesel ay hinahaluan ng isang litro ng used oil kaya malaki umano ang kaniyang natitipid.
Ayon kay Brisenio na walang pagbabago ang takbo at performance ng kaniyang sasakyan simula ng gumamit ng cooking oil bilang additive sa diesel.
Dagdag pa nito na bilang advocate ng renewable energy at sustainable energy ay bukas siyang tumulong sa mga interesado sa kaparehong set-up.











