LEGAZPI CITY-Ikinasa ngayong araw ng mga puso ang tinatawag na ‘Black Hearts Day Protest’ bilang panawagan para sa dagdag benipisyo at sahod ng mga guro.


Ayon kay Alliance of Concerned Teachers-National Capital Region President Ruby Anna Bernardo, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na panawagan nila ang disente, nakakabuhay na pasahod, pagtaas ng personal economic relief allowance, at dagdag na budget sa edukasyon.


Dagdag pa niya na dapat ipakita sa pamamagitan ng pag-angat sa mga benispiyo at pagtaas sa sahod kagaya ng kanilang ipinaglalaban na P50,000 para sa entry level, at P36, 000 naman para salary grade 1.


Kasama sa kanilang mga aktibidad ang ‘50,000 human formation’ sa mga eskwelahan at signature campaigns sa harap ng Department of Budget and Management kabilang ang iba pang mga government employee, kung saan ipapasa ang libo-libong pirma bilang petisyon.


Ipinunto pa ni Bernardo, na mula pa ito noong 2008 kung saan hanggang ngayon ay nasa P2,000 parin ang allowance ng mga guro, hindi kagaya ng mga kapulisan at mga sundalo na nasa P10,000 na.


Isinasagawa umano nila ito sa loob at labas ng mga eskwelahan kasabay ng araw ng mga puso dahil bigo aniya ang gobyerno sa pagpaparamdam ng tunay na pagmamahal sa mga guro.