
LEGAZPI CITY – Inilunsad ng Department of Education Bicol ang “Building Innovative Leadership and Indomitable Bicolanos (BILIB): Galing, Talino at Serbisyong May Puso (GTS)” Psychological First Aid (PFA) modules para sa mga mag-aaral na apektado ng patuloy na pagputok ng Bulkang Mayon sa lalawigan ng Albay.
Ayon kay DepEd Bicol Project Development Officer II Mark Kevin Arroco sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang inisyatibo ay naglalayong magsilbing mga localized modules na maaaring gamitin ng mga Schools Division Office, mga trained PFA facilitator, at mga partner organization sa mga mag-aaral upang matulungan silang makabangon mula sa traumang idinulot ng mga sakuna.
Ipinaliwanag niya na karamihan sa mga mag-aaral sa lalawigan ay ipinagpaliban dahil sila ay mula sa loob ng 6KM permanent danger zone at ang iba pang mga paaralan ay ginamit bilang pansamantalang tirahan para sa mga Internally Displaced Persons.
Kabilang sa proseso sa inisyatibo ay ang paunang paglahok ng mga bata sa pamamagitan ng mga simpleng laro at pagpapakilala sa kanilang mga sarili at sa paglipas ng oras, ang mga aktibidad ay mas lumalalim na naglalayong alamin ang nararamdaman ng mga mag-aaral at gagamitin ito ng mga facilitator upang magbigay ng naaangkop na tulong.
Tinitiyak din ni Arroco na patuloy na minomonitor ng Kagawaran ang kalagayan ng mga estudyante upang matiyak na hindi maaantala ang kanilang pag-aaral at hindi sila mawawalan ng gana sa pag-aaral sa gitna ng iba’t ibang sakuna na nararamdaman sa rehiyon ng Bicol.










