Mahigit P3.627 bilyon ang inilabas ng Department of Budget and Management (DBM) para sa electrification ng mga rural areas sa Pilipinas.
Ito ay alinsunod sa layunin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na makamit ang kabuuang electrification ng buong bansa bago matapos ang termino nito sa 2028.
Sa isang pahayag, inaprubahan ni DBM Budget Secretary Amenah Pangandaman na ang Special Allotment Release order (SARO) para sa ‘2025 Strategized Rural Electrification and Operational Reliability for Electric Cooperatives’ sa ilalim ng National Electrification Administration (NEA).
Sakop ng nasabing halaga ang pagpapakuryente ng 1,752 sitio at limang barangay sa ilalim ng 2025 subsidy.
May karagdagang P68.83 milyon ang inilaan para sa rehabilitasyon ng limang barangay na dati nang pinagsilbihan ng mga off-grid solution sa pamamagitan ng Barangay Line Enhancement Program.
Dagdag pa rito, kabuuang P120 milyon ang gagamitin sa pagbili at pamamahagi ng 4,000 units ng Solar Photovoltaic Mainstreaming para makapagbigay ng kuryente sa mga komunidad na walang kuryente.
Ayon sa DBM, nasa 9,622 pa lamang na target na sitio ang walang kuryente, na plano ring pondohan sa ilalim ng pambansang pondo hanggang 2028.