LEGAZPI CITY – Suportado ng grupo ng mga guro ang panukala ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na alisin na ang mandatory Senior High School (SHS) level sa K to 12 program.
Ayon kay Alliance of Concerned Teachers Chairperson Vladimir Quetua sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, matagal na nila itong panawagan na ipawalang-bisa ang K to 12 curriculum dahil hindi naman natutupad ang tatlong pangunahing layunin nito gaya na lamang ng trabaho, negosyo at kolehiyo.
Dapat aniyang anumang pagbabago sa curriculum ay dapat makakatulong ito sa sektor ng edukasyon ngunit kailangang pag-isipan din kung ano ang mangyayari sa mga senior high school teachers sakaling maalis ang nasabing programa.
Sa kabila ng kawalan ng konsultasyon sa kanila hinggil sa nasabing usapin, iginiit niya na ang curriculum ay dapat makatulong sa mga mag-aaral at sa pag-unlad ng bayan.
Sinabi ng opisyal na maaaring maantala ang panukala ng senador dahil ito ay magbibigay daan muna sa impeachment case ni VP Sara Duterte at ang pagpasa ng budget proposals.
Sa pag-uusap aniya sa Senado, dapat isama kung anong curriculum ang papalitan at ang mga asignaturang dapat tanggalin at idagdag at kung saan dadalhin ang mga guro sakaling maipatupad ang panukala.
Naniniwala rin siya na maaring may hidden agenda ang usapin ngunit nais nilang huwag ilihis ng senador ang pagtalakay sa impeachment proceedings kaugnay ng katiwaliang ginawa ni VP Sara noong siya ay kalihim ng Department of Education.
Umapela si Quetua sa mga guro at estudyante na suportahan ang kanilang inisyatiba na makipag-usap sa departamento upang matugunan ang mga hinaing ng mga guro at ang kanilang mga pangangailangan.