LEGAZPI CITY- Muling naapektuhan ng asfall mula sa bulkang Mayon ang ilang mga barangay sa lalawigan ng Albay kaninang madaling araw.
Ayon kay Mayon Observatory Resident Volcanologist Doreen Abelinde sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nasa 14 na mga barangay ang nag-report sa tanggapan na naapektuhan ng abo.
Kabilang sa mga ito ang mga Barangay ng Bariw, Tumpa, Tigano, Tagaytay, Cabangan, Quirangay at Barangay 1 hanggang 7 sa bayan Camalig at Barangay Tandarora naman sa Guinobatan.
Nabatid na nasa moderate ashfall ang naitala kaya ramdam talaga ito ng mga apektadong barangay.
Resulta umano ito ng mga naitatalang rockfall events at pyroclastic density currents sa naturang bulkan.
Sa nakalipas na magdamag ay nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology ng walong volcanic earthquakes, 497 rockfalls at 50 pyroclastic density currents.











