LEGAZPI CITY – Sunod-sunod na insidente ng sunog ang naitala sa bisperas at mismong araw ng Pasko sa ilang lugar sa Bicol.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bureau of Fire Protection Bicol spokesperson SInsp. Edgar Tañajura J., tatlong insidente ng sunog ang nirespondihan ng kanilang mga tauhan sa bisperas ng Pasko habang isa naman sa mismong araw ng selebrasyon.

Kabilang sa mga nakapagtala ng sunog ay ang mga bayan ng Canaman at Buhi sa lalawigan ng Camarines Sur gayundin sa Magallanes sa Sorsogon.

Habang sa lungsod ng Masbate ay sa mismong araw ng Pasko nasunog ang nasa 12 kabahayan kung saan apat ang naabo.

Patuloy pa na inaalam ang dahilan ng naturang sunog maging ang kabuuang halaga ng pinsala.

Ayon kay Tañajura, karaniwan sa mga pinagmumulan ng sunog ay ang electrical connections lalo na ngayong sunod-sunod ang mga okasyon kung saan marami ang mga nakasaksak na mga appliances.

Samantala, base sa datos ng ahensya ay tumaas ngayong 2023 ang naitalang insidente ng sunog sa rehiyon hindi pa man natatapos ang taon.

Noong taong 2022 ay nakapagtala ng 614 na fire incidents habang ngayong taon ay umabot na sa mahigot 700.