Iginiit ni Senator Sherwin Gatchalian na hindi na makakapamuhay ng normal si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo dahil sa ipinalabas na arrest order laban dito.

Kaugnay nito ay sinabi ng senador na mas mainam kung susuko na lang si Guo upang sagutin ang mga paratang laban sa kaniya.

Matatandaan kasi na hindi natunton ng mga otoridad ang suspendidong alkalde ng silbihan ito ng arrest order.

Ito ay kasunod ng ilang ulit na hindi pagsipot sa pagdinig ng Senado kaugnay sa umanoy pagkakasanggot sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator.

Ayon kay Gatchalian na hindi na malayang makakalabas ng bahay si Guo dahil anumang oras ay maaari siyang hulihin.

Samantala, malaki naman ang paniniwala ng senador na nasa Pilipinas pa si Guo dahil na rin sa mahigpit na monitoring ng Bureau of Immigration.