LEGAZPI CITY-Kinuwestiyon ng Senate Minority Bloc ang umano’y “rushed” na proseso ng pag-amyenda sa Senate rules.
Ayon sa kanilang joint statement, “mariing kinondena ng minority ang tila pagtatangkang madaliin ang isang malaking pagbabago sa Senate Rules, lalo na’t ilang miyembro ng minorya ang nais pa ring magsalita at magtaas ng mga seryosong katanungan sa harap ng mga mambabatas.”
Kasunod ito ng pag-walkout ng minority bloc nitong Martes, Mayo 26, matapos ang mainit na talakayan tungkol sa pag-amyenda sa Senate rules na magpapahintulot sa mga senador na dumalo at bumoto sa plenaryo sa pamamagitan ng online o remote participation.
Ang panukala ay inihain ni Senador Rodante Marcoleta noong Mayo 11, na layuning payagan ang “justifiable” na remote attendance ng mga miyembro ng Senado.
Ibinahagi rin sa social media ni Senador Kiko Pangilinan, na iginiit nilang dapat itong isailalim sa mas malawak na talakayan at hindi dapat ipatupad ng mabilis.
Pinanindigan umano ng Minorya na tila may “railroading” o pagmamadali sa proseso, at nagbabala na maaaring maapektuhan ang patas na paglahok ng mga senador sa paggawa ng batas.










