LEGAZPI CITY- Nagpahayag ng buong suporta ang pamunuan ng Philippine National Police Bicol sa nakatakdang pag-upo ni Police Major General Nicolas Torre III bilang susunod na pinuno ng organisasyon.
Ayon kay PNP Bicol Director Brig. General Andre Dizon sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na tiwala sila sa kakayanan ni General Torre.
Kwento nito na matagal niyang kilala ang opisyal simula noong kadete pa sila at nagkasama sa ilang mga unit assignments kabilang na noong naging provincial director sila ng Samar Police Provincial Office.
Dahil dito ay batid umano niya ang propesyunalismo ng incoming Philippine National Police chief na kilala sa pagkakaroon ng mataas na standards.
Dagdag pa ng opisyal na inaasahan nila na magpapatuloy ang sipag at dedikasyon nito oras na pormal nang umupo bilang pinuno ng pambansang pulisya.
Kaugnay nito ay siniguro ni Dizon na nasa mabuting kamay ang organisasyon at ang komunidad dahil patuloy aniyang lalabanan ang anumang uri ng kriminalidad sa ilalim ng bagong liderato.