LEGAZPI CITY- Ikinababahala ngayon ng mga opisyal ng Barangay Mi-si sa bayan ng Daraga, Albay na dumausdos ang volcanic materials mula sa bulkang Mayon patungo sa taniman ng gulay at ilang kabahayan, kung magkakaroon ng malakas na mga pag-ulan.
Ayon kay Kagawad Servando Loria sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na batay sa kanilang inspeksyon ay nabara na ng mga ibinugang volcanic debris ang dating channel na dinadaanan nito.
Dahil dito ay posible umano na maghanap ng ibang daanan ang lahar kung makakaranas ng malalakas na mga pag-ulan.
Kung sakaling mangyayari ito ay malaki ang posibilidad na tamaan ng lahar ang sentro ng agrikultura, ang mga nag-aalaga ng mga hayop, at maging ang ilang mga kabahayan.
Matatandaan kasi na karaniwang dumadaan sa Mi-si gully kung tuwing nagkakaroon ng lava-collapse pyroclastic density current.
Samantala, isa pa sa mga suliranin ngayon ng barangay ay ang napinsalang mga agricultural products ay ang mga puno ng niyog na nasunog ng matinding init ng abo, kaya malaking pagkalugi umano sa mga magsasaka.











