Nagpahayag ng pasasalamat si Pinay golfer Bianca Pagdanganan sa kaniyang pamilya, coaches, trainers at sa lahat ng sumuporta sa kaniya.

Ito ay kasunod ng opisyal na pagtatapos ng Paris 2024 Olympics.

Sa social media post ni Pagdanganan ay sinabi nito na malaking karangalan ang pagiging kinatawan ng bansa sa Olympics, na itinuturing na pinakamalaking entablado para sa mga atleta.

Tila nagpahayag naman ito ng panghihinayang na kinapos para sa podium finish subalit sinabing lumaban umano siya hanggang sa huli.

‘Masakit na kinapos ng isa, ngunit buong puso ko parin masasabi na lumaban tayo hanggang sa huli,’ saad sa Instagram post nito.

Matatandaan na nagtapos sa ika-apat na pwesto ang Pinay golfer sa women’s individual event.