LEGAZPI CITY- Nagpapatuloy pa rin ang remote learning at remote work sa mga tanggapan sa Abu Dhabi, United Arab Emirates sa gitna ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Nerissa Aalishan na iniiwasan pa rin ang paglabas ng mga residente upang masiguro ang kanilang kaligtasan.
Sa kasalukuyan umano ay bahagyang kumalma na ang sitwasyon sa lugar kasunod ng mga nangyaring pagsabog.
Kaugnay nito ay nag-imbak na umano ng pagkain at iba pang pangangailangan ang mga residente sa Abu Dhabi kasabay ng pananatili nila sa loob ng mga tahanan.
Ayon kay Aalishan na inihanda na rin ng mga Pilipino sa lugar ang kanilang mga dokumento upang maging handa sa paglikas kung sakaling kinakailagan.
Sa kabila nito ay wala pa umanong direktang pakikipag-ugnayan ang pamahalaan ng Pilipinas sa mga Pilipino sa Abu Dhabi, maliban sa mga numerong maaaring tawagan na ipinapalabas sa mga social media accounts.
Samantala, siniguro naman umano ng pamahalaan ng United Arab Emirates ang proteksyon sa kanila at pagbibigay ng kanilang mga pangangailangan.











