LEGAZPI CITY – Dalawang indibidwal ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Maynonong, Tiwi, Albay.
Ayon kay Albay Police Provincial Office Provincial Director Police Colonel Noel Nuñez sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na ang mga suspek ay kinilalang sina alyas “Mae,” residente ng Polangui, Albay, at si alyas “Ed,” residente ng Baao, Camarines Sur, kapwa nasa hustong gulang.
Batay sa kanilang operasyon, si alyas “Mae” lang sana ang target ng kanilang mga tauhan ngunit nagkataong kasama nito si alyas “Ed”, na kapwa itinuturing na mga high value individual ng mga awtoridad.
Narekober mula sa mga suspek ang tatlong nakatali na plastic packs at dalawang heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na tinatayang may kabuuang bigat na 200 gramo at may standard drug price na P1,360,000.
Dagdag ng opisyal na sinigurado nilang maaresto ang mga suspek matapos silang makatakas sa kanilang unang operasyon sa bayan ng Camalig sa parehong probinsya.
Inaasahan din niya na napilayan ang mga operasyon ng mga suspek matapos silang makasamsam ng maraming ilegal na droga na maaaring makaapekto sa buhay ng maraming tao.
Binigyang-diin ni Nuñez na ang mga suspek ay kasalukuyang nakakulong sa Tiwi Municipal Police Station para sa wastong disposisyon at mahaharap sa mga kasong paglabag sa section 5 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.










