Photo by Camalig Mayor Caloy Baldo

LEGAZPI CITY—Umakyat na sa mahigit P13 milyon ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura sa lalawigan ng Albay kasunod ng patuloy na pag-aalboroto ng bulkang Mayon.


Ayon kay Department of Agriculture Bicol Spokesperson Love Guarin, sa panayam sa Bombo Radyo Legazpi, mayroong 228 magsasaka ang apektado—kung saan 155 dito ang mga rice farmers, 11 corn farmers, 55 ang mga magsasaka ng high value crops , at pito ang apektado sa mga nangangalaga ng kalabaw, manok at baka.

Aniya humigit-kumulang 82 ektarya apektadong palayan, kung saan 59 na ektarya ang totally damaged at 22 ektarya ang maaari pang maka-recover; 4 na ektarya ang partially damaged sa taniman ng mais; at lahat din totally damaged ang nasa 15.35 ektarya ng high-value crops.


Kabilang sa mga apektadong lugar ang mga bayan ng Daraga, Guinobatan, Camalig at Ligao City.

Sinabi rin ng opisyal na mayroong interbensyon na nagkakahalaga ng P398.3 milyon para sa mga magsasaka ngunit hindi pa ito maibabahagi ngayon dahil hindi pa sila nakakabalik sa kanilang mga sakahan.


Samantala, mayroon ding panukala ang ahensya para sa 2027 na magtatag ng isang livestock auction market para sa evacuation ng mga hayop kung saan ito ay nagkakahalaga ng P100 milyon na ilalaan ng DA upang wala nang mga hayop pa ang mairehistro na mamamatay dahil sa nasabing aktibidad.