LEGAZPI CITY- Nakipag-usap na ang lokal na pamahalaan ng sa mga biktima ng sunog sa Barangay Banuyo sa bayan ng Pilar, Sorsogon.
Ayon kay Mayor Carolyn Sy-Reyes sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na ipinakita sa mga apektadong residente ang lote na posibleng paglipatan ng daan-daang pamilya na nabiktima ng sunog.
Nabatid na nasa 1.6 hektarya ang naturang lote na kayang ma-accomodate ang mga residente.
Paliwanag ng alkalde na ang naturang lugar ay itinuturing na protected area kaya nakikipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan sa iba’t ibang tanggapan.
Dagdag pa ng opisyal na nagsagawa na rin ng ocular inspection ang Department of Public Works and Highways upang personal na makita ang sitwasyon.
Aminado naman si Mayor Reyes na hati ang opinyon ng mga apektadong residente sa paglilipatan na lugar subalit iginiit ng alkalde a mas mahalaga pa rin ang kaligtasan ng mga ito.
Siniguro naman ng alkalde na mayroong kabuhayan sa naturang lugar dahil malapit lang din ito sa dagat kaya walang dapat ipangamba ang mga residente.
Samantala, nanawagan naman ang alkalde sa mga nais pang magpaabot ng tulong sa mga biktima ng sunog lalo na ang pangunahing pangangailangan ng mga ito tulad ng pagkain, school supplies para sa mga apektadong mag-aaral at construction materials para sa muling pagpapatayo ng kanilang tahanan.