LEGAZPI CITY – Tuluyang paglaya mula sa pagbitaw sa mga alaala ang naging inspirasyon ng Filipino-Dutch songwriter na tubong Guinobatan, Albay para mapabilang sa 120 semifinalists ng Bombo Music Festival 2020.
Pagbabahagi ni Reily Adonis sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, 14 taong gulang lamang siya nang isulat ang awiting “Flying so Free” na aminadong kaugnay ng karanasan sa pakikipagrelasyon.
Ayon kay Adonis na kagaya ng agilang binabanggit sa awitin, kailangan umanong lumaya sa anumang bagay upang maramdaman kung paano maging tunay na maligaya.
Nabatid na isa lamang ang naturang awitin sa higit 300 nang naisulat nito na karamihan ay may temang pagbangon mula sa kalungkutan at paghikayat na maging matibay sa pagdaan sa mabibigat na pagsubok.
Todo na rin ang panalangin nito at mga tagasuporta upang makapasok sa pipiliing 12 finalists ang isinulat na awitin lalo na’t ito ang kaniyang pinakaunang pagkakataon na sumali sa songwriting competition.
Malaki naman ang pasasalamat ni Reily sa Bombo Radyo Philippines sa pagsuporta at paglikha ng kompetisyon na kumikilala sa mga Filipino songwriters.