LEGAZPI CITY – Dumoble na ang naitatalang dagsa ng mga pasahero at rolling cargoes sa Matnog Port sa Sorsogon ilang araw bago ang Kapaskuhan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Matnog Port Acting Division Manager Achilles Galindes, umabot na sa 5,000 na mga pasahero ang naitatala sa pantalan kada araw habang nasa 1,000 units naman ang rolling cargoes.

Sa kabila nito, tuloy-tuloy na ang biyahe ng mga barko at wala namang naiulat na aberya dahil maganda na ang lagay ng panahon.

Ayon kay Galindes sa ngayon ay wala pang nakikitang rason para magdagdag ng mga bumabiyaheng cargo vessels dahil sapat pa ang bilang.

Subalit kung sakaling mangailangan na sa mga susunod na araw ay una nang kipag-ugnayan ang pantalan sa pamamagitan ng Maritime Industry Authority (MARINA) sa mga shipping companies na magdagdag ng mga barko.

Inaasahan kasi na sa mga darating na araw ay pwedeng tumaas pa ang bilang ng mga biyahero sa naturang pantalan.