LEGAZPI CITY – Nilinaw ng Commission on Elections na wala pang pormal na impormasyon na natatanggap ang ahensya kaugnay sa nangyayaring people’s initiative sa ilang lalawigan sa bansa.

Ayon kay COMELEC Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hihintayin ng kanilang panig na mayroong maghain ng pormal na reklamo tungkol sa umano’y pamimigay ng pera para sa signature petition.

Sa pamamagitan lang aniya nito makakapasok ang hurisdiksyon ng komisyon sa naturang usapin.

Paliwanag ng opisyal na kung mayroong magsumite ng petisyon sa COMELEC na may kinalaman sa akusasyon ng vote buying para sa people’s initiative sa isinusulong na Charter Change ay magsasagawa ng preliminary investigation at fact finding upang makalikom ng ebidensya laban sa mga alegasyon.

Dagdag pa ni Laudiangco na kung mayroong election related offence, kinakailangan na gumalaw ang kanilang tanggapan.