LEGAZPI CITY – Sobrang nagagalak at buong pagmamalaking ibinida ng pamilya ni Cadet First Class Pamela Calleja, tubong Malinao, Albay ang pagiging Rank 8 nito sa Philippine Military Academy Masaligan Class of 2021.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa nakatatandang kapatid nitong si Monica, sa kanilang limang magkakapatid si Pam lamang umano ang sumuong at na-inspire na sundan ang yapak ng amang dating sundalo.
Kwento pa nito, bata pa lamang consistent honor student na si Pam at pangarap na maging pulis subalit hindi nakapasa sa height requirement ng PNPA.
Muli itong sumubok sa PMA kung saan matagumpay na nakapasa.
Pinakamalaking hamon lamang umano na kinaharap ng kapatid sa pag-abot sa tagumpay ang homesickness.
Sa katunayan, higit isang buong taon na ring hindi nagkikita ng personal ang buong pamilya dahil sa COVID-19 pandemic habang hindi rin makakadalo sa graduation kaya’t magkakasya na lamang sa virtual.
Mahalaga aniya, masubaybayan nila ang pagtanggap nito ng diplomang ilang taong pinagsikapan.
Ang 23-anyos na si Calleja ay college undergraduate ng Bachelor of Science in Public Administration sa Polytechnic University of the Philippines.
Bukod sa pagiging consistent honor student, isa rin itong student leader.