LEGAZPI CITY—Natagpuang patay ang isang babae sa bahagi ng Sitio Busay, Barangay Pawican, Cataingan, Masbate.
Ayon kay Cataingan Municipal Police Station Investigator on case Police Staff Sergeant Florian Jumawan, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kinilala ang biktima na isang 29-anyos, may asawa, may tatlong anak at residente ng Barangay Cagbatang ng nasabing bayan.
Batay sa post-mortem examination ng mga awtoridad, sunog umano ang katawan ng biktima at may tinamong saksak sa kanyang dibdib.
Ayon sa salaysay ng opisyal, nagtungo umano ang biktima at ang kasama nito sa Barangay Poblacion ng nasabing bayan upang mag-remit ng pera para sa isang lending, pagkatapos ay bumalik ang biktima at kasama nito sa kanilang bahay sa Barangay Cagbatang.
Gayunman, bumalik ang biktima sa Barangay Pawican at kalauna’y hindi na ito nakabalik sa kanilang bahay.
Dagdag pa ni Jumawan, tumawag sa kanila ang kapitan ng Barangay Pawican kung saan sinabi nito na may hindi kanais-nais na amoy sa kanilang barangay at dito na nadiskubre ang isang sunog umanong bangkay ng isang tao sa masukal na bahagi ng naturang barangay.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng mga kapulisan hinggil sa insidente.
Samantala, umapela naman si Jumawan sa publiko na nakasaksi sa insidente na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan upang makatulong sa paglutas ng nasabing insidente.